Malubhang nasugatan ang tatlong opisyal ng isang barangay sa Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur matapos silang pagbabarilin ng nakatakas na salarin nitong Huwebes.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing ang punong barangay na si Edris Sangki, isang kagawad, at ang treasurer ng Barangay Kaya-Kaya, ang mga biktima.

Kaagad silang isinugod sa ospital, habang nakatakas ang mga salarin.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng dalawang motorsiklo ang tatlong biktima nang pagbabarilin sila ng mga salarin na nakasakay naman sa isang minivan.

Pitong basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang nakita ng mga imbestigador sa lugar na pinangyarihan ng pamamaril.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News