Isang cellphone na naka-livestream ang tinangay ng isang lalaki mula sa salon sa Bago, Negros Occidental. Ang kawatan, natukoy tuloy ang pagkakakilanlan nang mahagip siya sa camera.
Sa ulat ni Kim Salinas ng GMA Regional TV sa "Balitanghali" nitong Martes, sinabing isang babaeng staff ang nag-livestream sa social media at ipinakita ang paglilinis sa salon.
Pagkawala niya sa screen, isang lalaki ang sumilip at tila nagmasid sa salon. Makaraan lang ang ilang saglit, tinangay na niya ang cellphone.
Dahil naka-livestream, natukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek gamit ang nai-record na video.
Hindi na humarap sa media ang staff ng salon, ngunit sinabi ng kaniyang amo na naglalaba na noon sa likurang bahagi ng salon ang babae.
Nagulat ang staff nang makita niyang wala na ang cellphone.
Nakikipagtulungan na ang Bago City Police sa iba pang estasyon para mahanap ang lalaki.
Napag-alamang may dati na ring record ang suspek sa pulisya sa Bacolod City. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News