Nagimbal ang mga naghahalungkat ng mapapakinabangang basura sa landfill sa Talisay City, Cebu nang madiskubre nila ang isang putol na paa ng tao na nasa loob ng kahon.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nakita ang putol na paa sa tambakan ng basura sa Barangay Tapul noong hapon ng February 12, 2025.
Kaagad na ipinagbigay-alam ng mga naghahanap ng basura sa mga opisyal ng barangay ang nakita nilang putol na bahagi ng katawan ng tao. Kasunod nito ay dumating na ang mga pulis para magsiyasat.
Lumilitaw na galing sa ospital ang naturang putol na paa.
Wala pa umanong pormal na reklamong natatanggap ang Regulation Licensing and Enforcement Division ng Department of Health (DOH) 7, tungkol sa paraan ng pagkakatapon sa naturang paa, ayon kay Dr. Annesa Patindol, division chief.
Gayunman, ipinasuri na umano ang putol na paa dahil maaari itong magdulot ng peligro sa kalusugan.
Ikinukonsidera rin umanong infectious waste ang pinuputol na parte ng tao kapag inoperhan kaya dapat itong itapon sa tamang paraan.
Maaari ding managot ang ospital kapag napatunayan na nagkaroon sila ng kapabayaan.
Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang Talisay City Police sa pamamagitan ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operation (SOCO).
Ayon sa Talisay City Police, nakipag-ugnayan na sila sa ospital na pinaniniwalang pinanggalingan ng putol na paa.
Dagdag pa ng pulisya, nagkaroon umano ng miscommunication sa garbage collector at sa ospital.
Mayroon umanong dalawang kategorya ang mga basura na mula sa ospital: ang general waste, at ang pathological waste na kinabibilangan ng mga syringe at iba pang medical waste--kabilang ang mga pinutol na parte ng katawan ng tao.
Ang garbage collector na kumuha ng mga basura sa ospital na dapat ay general waste lang, naisama umano ang mga pathological waste.
Sinabi umano ng hindi binanggit na ospital na may iba silang waste service provider na kumukuha ng mga pathological waste.
Dinala na ng Talisay City Police sa naturang ospital ang putol na paa para maitapon nang tama.-- FRJ, GMA Integrated News