Isang Indian na maniningil ng pautang ang hinoldap sa Barotac Viejo, Iloilo. Ang isa sa dalawang suspek, arestado nang pumulupot sa kadena ng motorsiklo ang kaniyang jacket.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon na nakamotor ang biktima nang sundan siya ng mga kawatan na nakamotorsiklo rin.

Pagkarating sa Barangay San Juan, dito na hinarang ng mga suspek ang biktima at hinoldap ito.

Natangay ang koleksiyon ng Indian na nasa P4,500.

Nadakip ng isang napadaang pulis ang isa sa mga suspek ngunit nakatakas ang kaniyang kasabwat.

Narekober sa lalaki ang isang baril at ang natangay na pera.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang naarestong suspek. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News