Isang lalaki na armado ng patalim ang nang-hostage ng isang kahera sa isang gadget store sa loob ng isang mall sa Lipa City, Batangas nitong Martes. Nailigtas ang kahera pero nasugatan ang isang pulis.

Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Miyerkules, makikita sa video footage na nakapalupot sa leeg ng kahera ang braso ng 28-anyos na suspek, at may nakatutok na patalim.

Hindi pa malinaw kung saan galing ang hawak na patalim ng suspek.

Sa mahigit tatlong oras na negosasyon, nabanggit umano ng suspek na may "patong" sa kaniyang ulo dahil sa alam niyang impormasyon tungkol sa isang krimen.

Inaalam pa ng pulisya kung totoo ang sinasabi ng suspek, na umamin din umano na gumagamit ng ilegal na droga.

Nakumbinsi ng pulisya na bumaba ang suspek habang hawak pa rin ang cashier, at doon na nagkaroon ng pagkakataon ang mga awtoridad na sunggaban siya.

Isang pulis ang nasugatan na nakipagbuno sa suspek, habang nailigtas naman ang biktimang kahera.

“During the suspect’s apprehension, PLtCol [Rix Supremo] Villareal sustained an incised wound on his right hand while subduing the suspect and confiscating his bladed weapon,” nakasaad sa inilabas na pahayag ng Lipa City Police.

Wala pang pahayag ang suspek na nahaharap sa reklamong serious illegal detention at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa pagdadala ng patalim.

Wala pang pahayag ang pamunuan ng mall at pati na ang biktimang kahera.—FRJ, GMA Integrated News