Patay na nang matagpuan sa manggahan ang isang dalagitang 16-anyos sa Bayambang, Pangasinan. Ang biktima, ginahasa umano ng tatlong suspek na kaniyang nakainuman.

Sa ulat ni Jeric Pasillao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ng kaanak ng biktima na umalis ng bahay ang dalagita nang walang paalam noong Martes dakong 11 pm.

May sumundo umano rito na tricycle at dinala sa isang abandonadong bahay sa Barangay Sangkagulis, kung saan nakainuman ng dalagita ang tatlong lalaking suspek.

Ayon kay Police Colonel Rollyfer Capoquian, Provincial Director, Pangasinan PPO, lumabas sa kanilang imbestigasyon na pumayag umano ang biktima na makipagtalik sa isang suspek.

Pero nais din ng isa pang lalaki na makipagtalik pero tumanggi ang dalagita na nauwi sa panggagahasa at pagpatay.

Ilang metro mula sa abandonadong bahay, nakita ang bangkay ng biktima sa manggahan na tinakpan ng sako.

Ayon sa opisyal ng barangay, may sugat sa ulo sa biktima na posibleng pinalo ng tubo na maaaring naging dahilan ng pagkamatay nito.

"Siguro dito na nawalan ng malay [sa abandonadong bahay]. Tapos may nakita kaming tubo dun [sa manggahan] pinangpukpok sa ulo niya siguro," ayon kay Nino Curameng, barangay kagawad.

Naaresto naman ang tatlong suspek na wala pang pahayag.

Ang ina ng biktima, nanawagan ng hustisya para sa anak at nais na habambuhay na makulong ang mga suspek.

"Parang hayop ang ginawa nila sa anak ko. Hustisya ang hinihiling ko lang po," umiiyak na pahayag ng ginang.

Kinondena naman ng pamahalaan lokal na Bayambang ang nangyaring krimen. Nangako ito na gagawin ang lahat para makamit ng biktima at pamilya ang hustisya.

Isasailaim din sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang tunay na nangyari sa kaniya.

Nahaharap sa kasong rape with homicide ang mga suspek.

Paalala naman ng pulisya sa publiko, huwag basta sasama sa mga taong hindi kilala o hindi lubos na pinagkakatiwalaan. -- FRJ, GMA Integrated News