Naglaho na parang bula ang nasa P20,000 cash na naipon ng isang babaeng palaboy sa loob ng 10 taon, matapos itong nakawin ng isang menor de edad at kasama sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera ang paghinto ng e-trike sa gilid ng kalsada, na hindi kalayuan sa gilid ng bangketa kung saan nakapuwesto ang babaeng palaboy.
Bumaba mula sa e-bike ang menor de edad na suspek, habang naiwan naman ang kasabwat nito.
Lumapit ang menor de edad sa biktima, na abala naman sa kaniyang ginagawa.
Habang nakatalikod ang babae, pasimpleng kinukuha na ng kawatan ang kaniyang bag.
Nang napansin ito ng babae, mabilis na kumaripas nang takbo ang kawatan pabalik ng e-trike at bitbit ang kaniyang bag.
Humingi ng tulong ang biktima sa barangay upang mahuli ang mga kawatan.
"Pinasok niya sa bag [ang pera] para [if ever], mayroon siyang makain. Nangunguha [siya] ng mga basura, nangangalakal," sabi ni Kapitan Clifford Niñal ng Barangay San Nicolas Proper sa GMA Integrated Newsfeed.
Natagpuan ng mga awtoridad ang e-trike ngunit wala na ang mga kawatan. Lumabas sa imbestigasyon na tinangay lang din ng mga suspek ang ginamit na e-trike, at iniwan din nila ang bag ng biktima na may pera.
Pero hindi pa malinaw kung kompleto bang naibalik o nabawasan na ang pera ng biktima na sinasabing aabot sa P20,000.
"Hindi siya nagsabi kung buo pa ba 'yung pera. Kasi hindi na talaga matino 'yung kausap, parang shocked pa rin," anang kapitan.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa insidente.
Mag-isa na lang sa buhay ang biktima at may kasama lang matandang lalaki na hindi niya umano kaanak.
Handa ang barangay na magbigay ng karagdagang tulong sa biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
