Inihayag ng pulisya sa Malay, Aklan na mayroon na silang mga itinuturing person of interest sa pagpatay at hinihinalang paghalay sa turistang Slovakian na nakita ang bangkay sa isang abandonadong kapilya sa Boracay.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Mar Joseph Ravelo, hepe ng Malay Police, na ang mga naturang POI ay nagkaroon ng "contact" o nakasalamuha ng biktima.

"We have two or more persons of interest lalo na ang mga tao na nagkaroon po siya ng contact," sabi ni Ravelo. "Tinitingnan natin ang foreign national at the same time ang mga local na pumupunta din sa area po doon (kung saan nakita ang bangkay)."

March 10 nang iulat na nawawala ang 23-anyos na biktima na si Michaela Michova. Dalawang araw makalipas nito, nakita ang kaniyang bangkay sa isang abandonadong kapilya na walang saplot pang-ibaba.

Bagaman may nakitang mga sugat sa katawan ng biktima, hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng eksaminasyon sa bangkay nito para matukoy ang sanhi ng kaniyang pagkamatay, at kung ginahasa ba siya.

Nadiskubre ng isang lalaki ang bangkay ng biktima dahil sa masangsang na amoy sa naturang kapilya na malayo umano sa mga bahay at establisimyento.

Ayon kay Ravelo, batay sa mga nakalap nilang impormasyon, palakaibigan ang biktima.

Sinusuri na rin ng mga awtoridad ang mga CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

"Nandoon na rin po yung idea dahil nga po pumupunta siya sa mga lugar na walang tao, nandoon po ang angle na ang security niya ay malagay sa risk dahil nga po ang lugar ay hindi napapatrolyahan ng mga pulis considering na masukal at mabundok," dagdag ng opisyal.

Sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Ravelo na batay sa kaibigan ng biktima, mahilig itong magpunta sa mga lumang simbahan.

Dalawang beses na rin siyang nakapunta sa lugar at nakita rin ng mga awtoridad sa CCTV na naglalakad siyang mag-isa lamang.

Sa kabila ng nangyari, tiniyak ng pulisya na ligtas na puntahan ang Boracay at maging ang munisipalidad at lalawigan. -- FRJ, GMA Integrated News