Dalawang babae ang nasawi matapos pagbabarilin ng mga salarin na sakay ng motorsiklo sa Kapalawan, North Cotabato, na bahagi ng Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM).

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing mga magsasaka ang biktima na may edad na 60 at 62.

Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), nakasakay sa tricycle ang dalawang biktima na sinundan ng mga suspek.

Nakita ang bangkay ng isang biktima sa gitna ng kalsada, habang nasa madamong bahagi naman sa gilid ng daan nakita ang isang pa.

Pitong basyo ng bala mula sa kalibre .9mm na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Samantala, wala na ang driver maging ang tricycle na sinakyan ng mga biktima nang dumating ang mga awtoridad

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima. --FRJ, GMA Integated News