Nauwi sa trahediya ang pagkuha sa martilyo at sinsil na nahulog sa balon nang makuryente at malunod ang apat na magkakaanak sa Ipil, Zamboanga Sibugay.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, makikita ang ginawang pag-rescue ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga biktima sa balon na may lalim na 28 talampakan sa Barangay Tiayon noong Biyernes ng hapon.

Batay sa salaysay ng kaanak ng mga biktima, tinangkang kunin ni alias “Jason,” 27-anyos, at kaniyang biyenan ang nalaglag na martilyo at sinsil sa balon.

Nabawasan na ang tubig sa balon dahil sa submersible pump na inilagay dito. Pero habang bumababa si Jason sa balon gamit ang lubid, nakuryente ito at nahulog sa tubig.

Tinangka siyang sagipin ng kaniyang biyenan at dalawa pa nilang kaanak pero nakuyente rin sila at nahulog sa loob ng balon at nalunod.

Ayon sa taga-BFP,  maaaring grounded ang submersible pump na dahilan kaya nakuryente ang mga biktima.

“Ang characteristic niyan, hindi agad-agad yan naga-ground pero may leaking yan, may na-hit na isang matigas na bagay. Possible reason ng ground, nagkaroon ng fault, so posibleng magkaroon ng aksidente pag mahawakan. Pwedeng mag-cause ng electrocution sa human,” palianag ni BFP Municipal Fire Marshall, Fire Inspector Herman Ting.

Ayon sa kamag-anak ng mga biktima, nakalimutan nilang i-off ang main power switch nakakonekta sa submersible pump.

Nang makuha ang rescue teams ang apat, isinugod sila sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

“Dapat hindi talaga mag-panic at tumawag ng tulong doon sa mga authority katulad ng Bureau of Fire Protection, sa PNP, sa special rescue force namin for the rescue. Kasi kung nangyari sana yon, paalala lang natin to, maiwasan natin ang casualty,” payo ni Ting. -- FRJ, GMA Integrated News