Nagkaroon ng tensyon sa graduation rites sa isang paaralan sa Antique matapos ipahubad ng principal sa mismong seremonya ang toga na suot ng mga magtatapos na senior high school students. Ang ilang mag-aaral at magulang, umalma.Sa ulat ni Thess Ordales sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente nitong April 15, 2025, sa Colonel Ruperto Abellon National High School sa munisipalidad ng Laua-an.Sa nag-viral na video, mapapanood ang pag-anunsyo ng principal sa stage na hindi dapat magsuot ng toga ang mga graduating students batay sa Department of Education (DepEd) guidelines na gawing simple ang seremonya ng pagtatapos.Kaya iniutos nito sa mga mag-aaral na huwag magtoga sa pagpanik sa entablado, na inalmahan ang ilang estudyante at kanilang mga magulang o guardian.Sumunod naman ang ilang mag-aaral, habang madidinig ang pagsigaw ng iba para tutulan ang utos ng principal.“Nag-expect talaga ang parents na mag-toga ang mga bata. Sa part namin, ang sakripisyo, ang hirap, lahat nagbunga. Hindi naman nakalagay doon na bawal ang toga,” ayon kay Gilmore Nunieza, ama ng isa sa mga estudyante na may highest honors.Hindi itinanggi ni Nunieza ang pagkadismaya sa naturang ginawa ng principal.Nagsagawa naman ng imbestigasyon ang Schools Division Office (SDO) ng Antique, sa nangyaring insidente.Ayon sa SDO, bago ang insidente, nagkaroon ng pulong ang mga guro at magulang na school uniform at “sablay” (sash) ang isusuot ng mga magtatapos.Ngunit posible umanong hindi nagkaroon ng malinaw na kasunduan tungkol dito kaya nauwi sa pagsusuot ng toga.“According kay ma'am (principal), nag-a-ano (comply) lang siya sa issuances ng DepEd na maging simple lang at walang extravagant na mga bagay-bagay. Gusto rin ito ng parents na i-raise ang concern nila na magsuot ng toga, yet, I think hindi ito naipasok sa kanilang agenda. Hanggang siguro natapos ang meeting na hindi naplanuhan o nadesisyunan kung magsusuot ng toga ang students or hindi,” ayon kay Eric Cortejo, information officer ng SDO Antique.Humingi ang SDO Antique ng kopya ng minutes on meeting para malaman ang mga detalye.Bagaman natuloy ang graduation ceremony, may ibang estudyante umano ang umalis na lang dahil sa pagkadismaya, ayon sa SDO Antique.“They are all graduates. Those who have attended, those na umuwi ng maaga, they are graduates. Actually, na-confirm sila ng ating official. Ang DepEd, nag-a-assure sa inyo na pinu-protektahan ang rights ng kabataan,” sabi ni Cortejo.Hinihintay din umano ng SDO Antique paliwanag ng principal, at may binuo ring fact-finding committee tungkol sa insidente.Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Western Visayas na makuhanan ng panig ang principal.Noong 2023, nagprotesta ang mga mag-aaral ng Laua-an National High School upang ireklamo ang umano'y bullying at pag-abuso sa puwesto ng naturang principal, gaya ng pagbabawal umano sa ilang student organizations, at hindi pagpapaayos sa mga sirang silid-aralan at mga school equipment. -- FRJ, GMA Integrated News