Anim ang nasawi--kabilang ang tatlong pulis-- sa magkahiwalay na insidente ng pagbangga ng mga motorsiklo sa mga truck sa Negros Oriental at Lanao del Norte.Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang CCTV footage na mabilis ang takbo ng motorsiklong sinasakyan ng tatlong biktima sa Barangay Poblacion, Zamboanguita sa Negros Oriental.Nagdire-diretso ang naturang motorsiklo sa kasalubong na truck at pumailalim ang mga biktima, na agad na nasawi.Ayon sa pulisya, hindi na nagsampa ng reklamo ang mga kaanak ng biktima laban sa driver ng truck.Nangako umano ang may-ari ng truck na tutulong sa pamilya ng mga nasawi.Iniulat naman ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, na tatlong pulis ang nasawi nang bumangga rin ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang truck sa Barangay Pigcarangan sa Tubod, Lanao del Norte kaninang madaling araw.Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang mga biktima na nakatalaga sa Lanao del Norte Police Provincial Office.Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente habang nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck. -- FRJ, GMA Integrated News