Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng isang lalaki sa motherboard mula sa isang computer shop sa Barangay Maly, San Mateo, Rizal. Ang lalaki na nagawa pang makatakas sa barangay, nahuli nang isumbong na ng sariling anak.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang kuha ng CCTV mula sa isang computer shop nitong Sabado kung saan nagko-computer ang suspek.

Ilang saglit pa, tumayo siya at tila nagmanman sa lugar. Hanggang sa binuksan na niya ang kaniyang bag, sumampa sa isang upuan at may kinuha sa estante sa itaas ng computer bago umalis sa shop.

Sinabi sa ina ng may-ari ng shop na nakuha ng lalaki ang motherboard na piyesa ng computer na may halagang P11,000. Ilang beses na umanong nagnakaw sa lugar ang lalaki.

Batay sa kanilang tantiya, abot sa P40,000 ang halaga ng mga ninakaw na mga piyesa ng suspek.

“Sa tuwing pupunta siya diyan, may bag nga siyang dala. Tapos mga, siguro mga 10 minutes pa lang, nagagalit siya sa mga bata, pinapalabas niya, ‘Magsipaglabas nga kayo riyan, ang ingay-ingay ninyo!’ mga ganu’n siya. Tapos maya-maya, lumalabas na rin siya kasi may motor siya. 'Yung anak ko pagdating ng gabi, ‘Mama bakit wala 'yung [motherboard]?’ ‘Malay ko,’ ‘ka ko. Kaya ang ginawa ng anak ko, nag-install na nga siya ng hidden camera diyan,” sabi ni Jovy Dumagin Almanzor, ina ng may-ari ng ninakawang computer shop.

Sa kuha ng isa pang CCTV sa kalapit na computer shop, makikita ang suspek na nagbebenta ng mga ninakaw na items.

Ayon kay Marcelino Corpuz, investigator ng Barangay Maly, may halagang P11,000 ang ninakaw ng suspek, na kaniyang naibenta sa halagang P50 lamang.

Nadakip ng mga tauhan ng barangay ang suspek nitong Linggo. Ngunit ang suspek, nagawa pang tumakas sa gitna ng pakikipag-usap sa complainant.

Matapos mag-viral ang post ng biktima sa social media, nakatanggap siya ng tawag mula sa mismong anak ng lalaki para isuko sa mga awtoridad ang kaniyang ama na nagtatago sa kanilang bahay sa Montalban.

Umamin ang lalaki sa krimen pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa kamera. Nakabilanggo na sa custodial facility ng San Mateo Municipal Police Station ang suspek, na sasampahan ng kasong theft. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News