Nasawi ang isang mag-asawa at tatlong-taong-gulang na anak na babae matapos bumangga ang sinasakyan nilang kotse sa isang truck sa Malungon, Sarangani.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya kaninang madaling araw sa national highway na bahagi ng Barangay Talus.

Ayon sa Malungon Municipal Police Station, galing ang mag-anak sa General Santos City at patungo sa Davao City nang mangyari ang aksidente.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, napunta sa kabilang bahagi ng kalsada ang kotse kung saan nakasalubong at nakasalpukan ng mga biktima ang truck.

“Mayroon diyan bagong asphalt na portion na sa gitna ang asphalt then ang outer lane is yung sementado. Nahulog ang kotse doon sa sementado then ibinalik  kaya pumunta sa kabilang lane, yung linya ng 10-wheeler, yung truck, 'yon na,” ayon kay Malungon Municipal Police Station Chief, Police Lt. Col. Geovanni Ladeo.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck na posibleng maharap sa reklamo.

Samantala, ilang pasahero, kabilang ang apat na bata--ang nasugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang a multicab sa Barangay Dalapitan sa Matalam, Cotabato.

Ayon sa pulisya, papunta sa isang lamay ng mga biktima na magkakamag-anak nang mag-lock umano ang manibela ng sasakyan kaya bumangga sa puno at nahulog sa palayan.

“Paglarga nila, a few meters away sa kanilang bahay, sabi ng driver, nag-lock yung  manibela niya then nag-swerve, nabangga niya ang isang puno ng niyog then nahulog doon sa may ricefield,” sabi ni Matalam Municipal Police Station Investigator, Police Staff Sergeant Joselito Palmaera.

Ligtas naman ang mga pasahero na nagpapagaling sa tinamo nilang sugat. -- FRJ, GMA Integrated News