Naging pahirapan ang pagsagip sa isang 15-anyos na lalaki na naipit ang braso sa bakal na takip sa kanal sa Cebu City. Ang binatilyo, sadya raw mangunguha ng mga baryang nahuhulog sa kanal.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Plaridel Street sa Barangay Santo Niño.
.
Ayon sa mga awtoridad, ipinasok ng binatilyo ang kaniyang kanang braso sa butas ng manhole para abutin ang mga barya sa loob. Pero hindi na niya ito mahugot.
Hindi umubra ang mga naunang paraan sa pagsagip sa bata matapos mabali ang limang blade sa reciprocating cutter. Kaya gumamit na ng hydraulic cutter ang mga rescuer.
At makaraan ang limang oras, natanggal na sa pagkakaipit ang braso ng binatilyo.
“Sobra ang pagkakaipit na kung gagamitan namin ng power tools, natatakot kami na baka mas lalong maiipit,” ayon kay Fire Officer 3 James Formentera.
Bagaman nagkaroon ng pamamaga sa braso ng binatilyo, maayos na ang kaniyang kalagayan makaraang dalhin sa ospital.
Kabilang ang binatilyo sa mga tinatawag na “kakaw,” o kumikita sa pamumulot ng barya sa kanal.
Ayon sa kaniyang kasama, umaabot sa hanggang P50 ang napupulot nilang barya.
Payo ng awtoridad para huwag nang maulit ang insidente, huwag nang ipilit na ilusot ang mga kamay kung mahihirapan. -- FRJ, GMA Integrated News
