Isang tricycle driver ang pinagbubugbog ng mga kapwa niya tricycle driver dahil sa agawan umano ng mga pasahero sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa ulat ng "State of the Nation," mapanonood sa video ng isang pasahero na nakasakay pa sa pinapasada niyang tricycle ang driver nang paulanan siya ng mga suntok ng iba pang tricycle driver.
Dahil dito, nahirapan huminga sa gitna ng bugbugan ang isa sa mga sakay.
Sinabi ng uploader na pasahero na bago ang insidente, pinakyaw o nirentahan nila ang tricycle, at pinayagan din nila ang driver na kumuha ng iba pang pasahero sa daan.
Gayunman, bigla na lang silang hinarang ng grupo ng tricycle drivers nang makitang nagsakay pa ang kanilang driver.
Dahil dito, pinakiusapan na lang ng driver nila ang bagong sakay na pasahero na lumipat sa isa sa mga humarang na driver, pero ayaw umanong lumipat ng pasahero.
Nagka-areglo na ang mga sangkot sa barangay, kung saan nangako ang tatlong tricycle driver na babayaran nila ang gastos ng biktima sa pagpapagamot. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News
