Nahuli na ang isang dating barangay kagawad na suspek sa pagpatay sa dalawang lalaki at saka inilibing sa isang bakanteng lote sa Alabel, Sarangani noong 2024. Ang naturang krimen, nakuhanan ng video na nagamit sa ginawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nasakote ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Sarangani Provincial Field Unit, ang suspek na tinatawag na "kagawad," dahil sa pagbebenta umano ng baril.
Ayon sa CIDG, nakita ang kalansay ng dalawang biktima sa isang bakanteng lote sa Alabel noong December 25, 2024, na magkasabay na nilikida ng umano'y grupo ni "Kagawad."
Sa video footage na nakuha ng mga awtoridad, makikita ang dalawang biktima na nakaupo sa isang kubo sa Barangay Baluntay nang basta na lang sila pagbabarilin ng dalawang suspek--isa umano sa mga ito si "Kagawad."
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, magkakasama sa isang grupo ang mga biktima at mga suspek na sangkot sa mga ilegal na gawain tulad ng land grabbing, illegal drugs, gun running, at robbery, ayon kay CIDG-Sarangani Chief, Police Major Jun Fortunato.
Isa sa mga miyembro ng grupo ang kumuha umano ng video, at nagbigay ng kopya sa pamilya ng isa sa mga biktima.
Inilibing umano ang dalawa sa isang bakanteng lote na may 20 metro lang ang layo mula sa kubo kung saan sila pinagbabaril.
Ayon sa CIDG-Sarangani, isa sa mga suspek na bumaril sa mga biktima na si alias “Saiden,” ay pinaniniwalaang napatay sa isang operasyon sa Maguindanao.
"Bale doon sa pag-iimbestiga natin nagkaroon naman tayo ng pagkakataon dahil nagtutulungan yung mga pamilya ng isa sa mga biktima. At meron nagbigay sa kanilang video na kung saan ay naglalaman ng kung paano patayin nung lider yung mga mga kasamahan niya, yung dalawang nakuhay na mga biktima,” sabi ni Fortunato.
Mahaharap ang naarestong suspek sa patong-patong na kaso, kabilang ang murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591). -- FRJ, GMA Integrated News

