Patay ang isang barangay chairman matapos siyang pagbabarilin habang nakikipag-usap sa isang tauhan ng bantay-bayan sa gilid ng Maharlika Highway sa Talavera, Nueva Ecija.Sa ulat GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Joel Damacio, punong barangay ng Calipahan. Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa aktibidad ng Brigada Eskwela si Damacio nitong Lunes ng umaga at pauwi na nang makita niya ang tauhan ng bantay-bayan na kaniyang kinausap.Pero habang nag-uusap ang dalawa, pinagbabaril sila ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo. Sugatan at dinala sa ospital ang tauhan ng bantay-bayan. Nakatakas naman ang mga salarin.Hindi na muna naglabas ng pahayag ang pamilya ng biktima, at pulisya habang patuloy ang imbestigasyon.Inilarawan naman ng mga kasamahan sa barangay si Damacio na mabait at walang kaaway.“Isang kapitan po na mabait ’yan. Kayang-kaya po niyang amuin ang mga tao kapag may problema. Wala naman problema, mabait na tao po ’yan. Nanalo pa rin nung huling kuwan [pagtakbo] niya,” ayon kay barangay konsehal Darius Aguino. --FRJ, GMA Integrated News