Sugatan ang isang babaeng 48-anyos matapos siyang saksakin ng basag na bote ng kaniyang pamangkin nang mauwi sa away ang kanilang inuman sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagsagawa ng family reunion sa bahay ng suspek sa Barangay Dumlog nitong Lunes.

Matapos makainom ng magtiyahin, nagkasagutan sila nang maungkat umano ang ilang usapin sa pamilya nang makaaway ng biktima ang ina ng suspek.

Hanggang sa kumuha na ng basag na bote ng softdrinks ang suspek at nanaksak.

Nagkasugat sa dibdib at kaliwang bahagi ng ulo ang bikima.

Umamin sa krimen ang suspek at humingi ng paumanhin sa kaniyang tiyahin. Ngunit desidido ang biktima na sampahan ng reklamong attempted murder ang kaniyang pamangkin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News