Nauwi sa krimen ang inuman ng tatlong construction workers sa San Fernando, Pampanga. Ang isa kasi sa kanila, kumuha ng "sumpak" at pinaputukan at napatay ang dalawa niyang kasamahan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Calulut, nitong Linggo ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-inuman umano ang tatlo sa tinutuluyan nilang barracks nang magkaroon nang mainit na pagtatalo ang mga ito.

Bago ang pamamaril, isa sa dalawang biktima ang hinampas muna ng baso sa mukha.

"’Yung isang victim po, hinampas po allegedly — based po doon sa sinabi ng asawa ng isang biktima — ng baso ng kanyang kainuman sa mukha. And then after that, umalis po siya [suspek] sa inuman and then kinuha po ‘yung sumpak na ito. And then pagbalik po ay pinagbabaril na po itong kaniyang mga kainuman," ayon kay Police Colonel Jay Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga Police Provincial Office.
Tumakas ang suspek matapos ang krimen, at hinahanap na siya ngayon ng mga awtoridad.-- FRJ, GMA Integrated News