Nakaligtas ang isang councilor-elect mula sa tangkang pamamaril matapos bigong pumutok ang baril ng gunman sa Hagonoy, Davao del Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang pagdating ng isang motorsiklo sa bahagi ng kalsada sa Barangay Poblacion noong Linggo ng hapon.
Nagmamadali ang angkas ng motorsiklo, na mistulang may kinukuha sa kaniyang bag, bago hinabol ang isa pang lalaki na nagmula naman sa gilid ng sasakyan.
Ngunit nakapasok sa loob ng barangay hall ang hinabol na councilor-elect na kinilalang si Melvin Ordaneza.
Agad namang tumakas ang suspek.
Kinumpirma ng pulisya na posibleng target ng pamamaril si Ordaneza.
Hindi lang pumutok ang baril na pinaniniwalaang nakakubli sa pink na bag ng suspek.
Sinabi ni Ordaneza sa kaniyang social media post na ito na ang kaniyang pangalawang buhay, at wala siyang nakakaaway.
Batay pa sa pulisya, wala rin silang natanggap na ulat na banta sa buhay ni Ordaneza.
Ipae-enhance muna ng mga awtoridad ang CCTV footage para matukoy kung sino ang mga salarin. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
