Timbog sa Rosario, La Union ang isang pulis na nag-upload umano ng maseselang video nila ng dating kasintahan. Tinatakot din umano ng suspek ang ex niya para muling magkita.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend, hinuli ang suspek sa isang kainan sa Rosario nitong Biyernes. Sa surveillance ng NBA Ilocos Regional Office, makikita na lumapit ang suspek sa dating kasintahan sa loob ng kainan. Nang kunin ng suspek ang mga gamit ng complainant, doon na siya linapitan ng operatives ng NBI Ilocos at ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Region 1.

Ayon sa NBI, in-upload ng pulis—na may ranggong patrolman—ang maseselang video nila ng dating nobya gamit ng dummy account.

"Tinawagan din nitong complainant ang dati niyang kasintahan na nagmamakaawa para burahin ang mga video na in-upload niya sa dummy account. Subalit ang ginawa ng subject ay pinilit niya na makipagkita ulit sa huling pagkakataon upang mapagbigyan sa kanyang makamundong kagustuhan," ani NBI Ilocos Regional Office Regional Director Joel Tovera.

Na-confiscate mula sa suspek and kanyang service firearm at ang cellphone na ginamit niya sa pag-upload ng mga video. Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng suspek, na nasa kustodiya na ng NBI Ilocos Regional Office. — BM, GMA Integrated News