Nasawi ang tatlong magkakamag-anak, at isa pa ang sugatan nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Ampid 1 sa San Mateo, Rizal.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nakulong sa nasunog nilang bahay ang mga nasawing biktima. Habang nakatalon naman mula sa ikalawang palapag ng bahay ang nakaligtas.

Nagtamo siya ng first degree burns sa katawan at dinala sa pagamutan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang bahay.

Nahirapan din ang mga bumbero na rumesponde dahil ginagawa ang kalsada papunta sa lugar ng sunog.

Inaalaman pa ng mga awtoridad ang sandi ng sunog at halaga ng pinsala.

Sa hiwalay na ulat ni Olan Bola sa Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng madaling araw.

Ang mga nasawi sa insidente ay edad 60 na ginang, kaniyang 30-anyos na anak na babae, at ang asawa ng huli na 28-anyos.—FRJ, GMA Integrated News