Sugatan ang isang lalaki matapos tagain sa ulo ng kaniyang kainuman na pinayuhan niyang huwag manggugulo kapag nakainom sa Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nag-iinuman ang 39-anyos na biktima at 21-anyos na suspek sa Barangay Muta nang payuhan ng una ang huli.

Posible umanong minasama ng suspek ang payo ng biktima kaya umalis ito at kumuha ng itak na kaniyang ipinantaga sa ulo ng biktima pagbalik sa inuman.

Nagpapagaling sa ospital ang biktima, habang pinaghahanap ng mga pulis ang tumakas na suspek.—FRJ GMA Integrated News