Comatose ngayon ang isang babae matapos siyang mahulog mula sa sinasakyan niyang Ferris wheel sa Lal-Lo, Cagayan.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na dumungaw mula sa kinauupuang gondola ang babae habang nasa itaas ito nang sandaling tumigil ang Ferris wheel para magsakay.
Pero nahilo ang babae at nahulog sa taas na 10 talampakan.
Bagaman may arm bar ang mga gondola, wala umano itong seat belt.
Isinugod sa ospital ang biktima na nagtamo umano ng matinding sugat.
Ipinatigil naman ang operasyon ng Ferris wheel, at sinusubukan ng GMA Integrated News na makaugnayan ang operator nito. — FRJ GMA Integrated News
