Nasawi ang isang rider at sugatan ang angkas niyang babae matapos silang maaksidente dahil sa aso na biglang tumawid sa Kidapawan City. Pero habang nire-rescue ang mga biktima, isa pang rider ang bumangga sa kanila.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing kaagad na rumesponde ang mga rescuer mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) nang makatanggap ng impormasyon tungkol sa nangyaring aksidente sa Barangay Sudapin dahil aso.
Pero habang tinutulungan ng mga rescuer ang mga biktima, isang humaharurot na motorsiklo ang bumangga sa kanila.
Nadagdag sa listahan ng mga sugatan ang dalawang tauhan ng CDRRMO, at ang ikalawang rider na nakainom umano.
“Nalaman ng investigator mismo na lasing itong driver, itong nakabangga sa mga rescuer kasi amoy na amoy nila yung alak sa bunganga ng nakabangga,” ayon kay Kidapawan City Police Station OIC Chief, Lt. Col. Dominador Palgan Jr.
Sa kasamaang-palad, binawian ng buhay ang 22-anyos na naaksidente dahil sa tumawid na aso.
Nagpapagaling naman ang angkas niyang babae.
Dinakip naman ang ikalawang rider na nakabangga sa mga rescuer.
Nagpaalala naman si Palgan sa mga may alagang hayop at mga motorista.
“Itali or ikulong nila [ang mga alaga] para ‘di pagala-gala sa daan, maka-cause ng aksidente, and then ang mga motorista na umuuwi ng lasing, umuuwi ng nakainon, as much as possible iwasan nilang uminom while nagmamaneho,” ani Palgan.-- FRJ GMA Integrated News
