Nahuli-cam sa Laoag City, Ilocos Norte ang kahunas-lunos na sinapit ng isang babaeng nabangga at nagulungan ng isang closed van kahit pa sa pedestrian lane siya tumawid.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente noong Huwebes ng hapon.
Sa video footage, makikita na nakailang hakbang na ang biktima sa kalsada nang lumiko ang van mula sa kabilang kanto at nahagip ang babae.
Natumba ang babae at pumailalim sa van hanggang sa magulungan pa.
Kaagad umanong natulungan ang biktima at itinakbo sa ospital.
Nagtamo siya ng mga sugat at isinailalim sa X-ray at CT scan, at patuloy na inoobserbahan sa ospital.
Nagkausap na umano ang mga sangkot sa insidente at nangako ang driver na tutulong sa gastusin sa pagpapagamot sa biktima.—FRJ GMA Integrated News
