Nagtamo ng sugat sa bibig at mga saksak sa katawan ang isang 21-anyos na babae matapos manlaban sa kaniyang kapitbahay na pumasok umano sa kaniyang kuwarto at tinangka siyang gahasain sa General Santos City.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabi ng lola ng biktima na makapasok ang 22-anyos na suspek sa kuwarto ng apo dahil hindi naisasara ang pinto nito sa loob.

Tinutukan umano ng patalim sa bibig ang biktima, pero nanlaban pa rin ang babae sa suspek.

Nagtamo ng sugat sa bibig ang dalaga, at nagtamo ng saksak sa tiyan at likod.

Kahit sugatan, nagawa ng biktima na makasigaw upang humingi ng tulong. Doon na tinigilan ng suspek ang dalaga at tumakas.

Ayon sa lola ng biktima, matagal nang umanong may gusto ang suspek sa kaniyang apo.

“Dugay na man daw kay ang mga barkada nag ingun ganina, dugaw na daw man gusto kay kwan hindi lang siya ka ano,” ayon sa lola.

Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang pulisya laban sa suspek.

Ayon kay General Santos City Police Office Director, Police Colonel Nicomedes Olaivar Jr., nadakip ang suspect habang nagtatago sa bakawan malapit sa dalampasigan.

Mahaharap ang suspek sa kaukulang kaso.—FRJ GMA Integrated News