Pinagkasya ng isang lalaki ang kaniyang katawan sa isang butas sa pader at sumiksik sa pagitan ng makitid na dalawang pader ng mga bahay para maabot at mailigtas ang isang bagong silang sanggol na inabandona roon na may kanal pa man din sa Cavite.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabi ng mga residente na nakarinig sila ng iyak ng sanggol noong Lunes kaya sinilip nila ang pagitan ng dalawang pader at nakitang may bata na walang saplot sa kanal.
Isang lalaki ang pinagkasya ang sarili sa kuwadradong butas na nilalagyan ng exhaust fan at pagkatapos at isiniksik ang sarili sa pagitan ng dalawang pader.
Gamit ang isang kamay, nagawa ng lalaki na maabot sa ibaba ang sanggol at saka niya ibinigay sa mga taong naghihintay sa butas.
Kaagad na binalutan ng tela ang sanggol.
Ayon sa awtoridad, patuloy na inoobserbahan ang kalagayan ng sanggol sa pagamutan.
Hindi pa malinaw kung paano nakarating sa kanal sa pagitan ng dalawang pader ang sanggol. Pero napag-alaman ng barangay na may isang menor de edad sa kanilang lugar ang nagsilang sa sanggol.
Kinumpirma ng pulisya ang insidente at nagsasagawa sila ng imbestigasyon.
Nasa maaayos na kalagayan ang mag-ina, kung saan nasa pangangalaga ng mga kaanak ang menor de edad na ina.
Ayon sa social welfare officer 1, na si Tatong Faeldonera, nagbibigay sila ng suporta sa mag-ina, kabilang ang counseling sa ina. Handa rin umano silang tumulong kung nais ng menor de edad na ina na ituloy ang pag-aaral. –FRJ GMA Integrated News
