Arestado sa entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang alkalde ng San Simon, Pampanga. Ang alkalde nangingikil umano ng P80 milyon sa isang steel manufacturing company na nais magtayo ng negosyo sa kaniyang nasasakupan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing kasamang dinakip ang limang bodyguard ng alkalde at isang duktor na nagsilbi umanong middleman sa transaksyon.

Isinagawa ang operasyon sa isang restaurant sa Clark, Pampanga kung saan nakuha umano sa alkalde ang P30 milyon na marked money, na bahagi ng hinihingi nitong P80 milyon mula sa kompanya.

Ayon kay Jaime Santiago, Director ng NBI, isinagawa ang entrapment operation nang magreklamo ang kompanya sa laki ng halaga na hinihingi umano ng alkalde.

Humingi umano ng P30 milyon bilang paunang bayad ang alkalde.

“Kapag lumabas na yung resolution [ng council para payagan ang operasyon ng kompanya] saka babayaran yung kakulangan,” ani Santiago.

Samantala, napag-alaman ng NBI na sundalo ang isa sa mga bodyguard ng alkalde na wala umanong naipakitang mission order kung bakit siya kasama ng lokal na opisyal.

Nakumpiska sa kanila ang ilang matataas na kalibre ng baril na aalamin kung may mga kaukulang dokumento.

Tumanggi naman ang alkalde at mga kasamahan niya na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News