Lumulutang sa dagat at patay na nang makita sa Tacloban City ang 35-anyos na babae na dinukot sa Ormoc City, Leyte.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing umaga noong August 4, 2025, nang makita  ng isang mangingisda ang bangkay, at kaniyang ipinagbigay-alam sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Tacloban at sa Fishery Law Enforcement Team.

Nakabalot ng plastic ang mukha ng biktima at nakatali ang mga kamay.

Ayon sa awtoridad, nagsisimula nang maagnas ang bangkay na kinilala ng kaniyang mga kaanak.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng Police Regional Office (PRO) 8 na ang biktima ang babaeng dinukot sa Ormoc City noong July 31, 2025.

Sa paunang imbestigasyon, tatlong armadong lalaki umano ang kumuha sa biktima.

Ayon kay Police Captain Flora Mae Molina, patuloy ang imbestigasyon para alamin ang motibo sa likod ng krimen para matukoy ang mga salarin.—FRJ GMA Integrated News