Isang motorcycle rider ang nasawi matapos siyang sumemplang dahil sa malubak na kalsada at magulungan ng trailer truck sa bahagi ng Maharlika Highway sa San Miguel, Bulacan.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente noong Hulyo 30, kung saan biyaheng norte ang rider, ayon sa pulisya.
Pagkasemplang ng rider, napunta siya sa direksyon ng trailer truck kaya siya nasalpok nito at nagulungan.
Nadakip ang truck driver sa Trece Martires, Cavite sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.
Tumanggi ang driver na siya ang nakabangga sa rider dahil 9 p.m. umano nangyari ang insidente, pero 3 p.m. pa siya dumaan sa San Miguel.
Ayon sa ilang residente sa San Miguel, marami pang ibang motoristang naaksidente dahil sa mga lubak sa Maharlika Highway.
Nagpaliwanag naman ang Bulacan 3rd District Engineering Office na Marso pa sila nag-umpisang magkumpuni ngunit naudlot dahil sa masamang panahon.
Para kay Bulacan Governor Daniel Fernando, flood control ang nakikitang pangmatagalang solusyon.
Kinausap na ni Fernando ang mga gobernador ng Pampanga at Bataan upang magkaroon ng mega-dike at karagdagdagang dam para makontrol ang baha.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
