Arestado ang isang hinihinalang gunrunner o ilegal na nagbebenta ng armas sa ikinasang buy-bust operation sa Santo Tomas, Batangas.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing ikinasa ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang operasyon makaraang makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga suspek na nag-o-operate sa Batangas at iba pang kalapit na probinsya.
Nakuha ng pulisya ang tatlong hindi lisensyadong rifle, mga magazine at kahon-kahong bala. Nakatakas naman ang isang kasama ng suspek.
“Isang organized group ito, we're checking kung ano ang extent ng kanilang operation,” sabi ni Police Brigadier General Christopher Abrahano, Acting Director ng PNP-CIDG.
Isang buwang ang pagpaplano at preparasyon ng pulisya bago ikinasa ang kanilang entrapment operation.
Mga bago pa umano ang mga nakumpiskang baril, at may tatak na USA ang ibang parte nito. Ayon sa CIDG, iniimbestigahan nila ang anggulong gun smuggling.
“Usual clients ‘yan, number one, siyempre ‘yung mga aficionados. Pero ang kinatatakot nga namin ‘yung criminal groups, mga gun for hire. Kasi siyempre, instrument of crime ito eh. Kailangan talaga masawatahan natin,” sabi ni Abrahano.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek na nasampahan ng reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
