Malubhang nasugatan ang isang 15-anyos na babaeng estudyante matapos siyang barilin sa loob ng isang paaralan sa Sta. Rosa, Nueva Ecija. Ang 18-anyos na suspek na dati umanong nobyo ng biktima, nagbaril din sa sarili.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na dakong 10:00 am nang dumating at nakapasok umano sa paaralan ang suspek.
Nagtungo ang suspek sa silid-aralan ng biktima at inayang kausapin. Pero bigla na lang umanong binaril ng suspek ang dalagita gamit ang kalibre .22 na baril.
Matapos barilin ang biktima, nagbaril din sa sarili ang suspek.
“According po sa guard [ng paaralan], nung una pinigil niya [ang suspek], which is napigilan naman. Then inantay niya siguro na maglabasan ‘yung students, sumabay dun, so hindi na na-notice ng security guard na naka-post dun,” ayon kay Police Major Willard Lumawig Dulnuan, hepe ng Sta. Rosa Police Station, sa hiwalay na ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras.”
Ayon sa pulisya, parehong kritikal ang lagay ng dalawa na isinugod sa ospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente na pinaniniwalang crime of passion.
“Accordingly, mag-lover sila then naghiwalay. Parang tinitingnan [motibo] is crime of passion ang nangyari. Parang nakipaghiwalay yata yung babae, ngayon according sa witness na kaibigan ng babae, hindi accepted ng lalaki [ang nangyaring breakup],” ayon pa kay Dulnuan.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ang mga sangkot sa insidente at ang pamunuan ng paaralan.
Kinondena naman ni Police Regional Office (PRO) 3 Director Police Brigadier General Ponce Peñones Jr. ang insidente. Nakikipag-ugnayan umano ang pulisya sa pamilya ng mga sangkot sa insidente at sa pamanuan ng paaralan para hindi na maulit ang nangyari.
“This alarming incident reminds us of the importance of safeguarding our schools and taking a serious look at the emotional and psychological well-being of our youth,” ayon sa opsyal.
Isasailalam naman sa debriefing ang mga estudyanteng nakasaksi sa krimen. – FRJ GMA Integrated News
