Isang pulis ang dinakip matapos maging suspek sa pagpatay sa isang 24-anyos na babae na nakitang patay at may tama ng bala ng baril malapit sa isang waiting shed sa Bayambang, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing umaga noong July 21, 2025 nang makita ang bangkay ng biktima na Sitio Pocdol, Barangay Bani sa bayan ng Bayambang.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at mag-backtracking sa mga kuha ng CCTV camera, natukoy na suspek sa krimen ang 31-anyos na pulis na nakatira sa San Carlos, Pangasinan, pero nakatalagang pulis sa Taguig, kung saan katira din ang biktima.
Lumitaw na karelasyon ng suspek ang biktima, at magkasama silang nagtungo sa Pangasinan sakay ng motorsiklo na minaneho ng pulis.
Sa timeline ng mga huling sandal ng biktima batay sa mga nakuhanan ng mga CCTV camera, umalis ng kaniyang boarding house sa Taguig ang biktima noong umaga ng July para pumunta sa ospital kung saan siya nagtatrabaho.
Kinalaunan sa nasabi ring araw, nakita na siyang sumakay sa motorsiklo ng suspek. Pagsapit ng 9 p.m., nakita silang dumaan sa Barangay Wawa patungo sa Barangay Poblacion sa Bayambang.
Pero kinalaunan, nahagip na ng CCTV camera ang suspek na mag-isa na lang sa motorsiklo nang dumaan sa Barangay Bani, kung saan naganap ang krimen.
Sinabi ng isang saksi, na nakita niya ang dalawa na nagtatalo sa waiting shed, malapit sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng biktima, at isang basyo ng bala mula sa kalibre .9mm na baril.
Ayon kay Bayambang Police Chief, Police Lieutenant Colonel Rommel Bagsic, posibleng nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa habang patungo sa Pangasinan.
“Ang sabi po nila, iyong ka-barracks mate ng pulis ay may birthday sa Sta. Barbara. So malamang nagkaroon na sila ng pag-aaway during papunta na sila ng Pangasinan, at dito na nabaril ng ating suspek iyong biktima,” saad ni Bagsic.
Kabilang sa tinitingnan ng mga imbestigador na motibo sa krimen ay crime of passion at tungkol sa utang na pera ng suspek sa biktima.
“Dahil iyong lalaki nga po ay may-asawa, so possible crime of passion. And then the other thing is malamang po iyong utang. Kasi based po sa statement ng boyfriend ng biktima, may utang itong pulis sa biktima,” sabi pa ni Bagsic.
Mahaharap ang suspek sa reklamong murder at grave misconduct. – FRJ GMA Integrated News
