Siyam ang nasawi at 15 ang sugatan nang mahulog sa bangin na nasa tabi ng daan ang sinasakyan nilang mini dump truck sa Barangay Christianueva sa Lebak, Sultan Kudarat.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nanggaling sa bersiyon ng pamamanhikan sa Muslim sa Barangay Poloy-Poloy ang 24 na sakay ng truck nitong Miyerkules, kasama ang driver.
Pero habang pauwi dakong 5:00 pm at binabaybay ang paliko at pababang daan ng kabundukan, nawalan umano ng preno ang truck at nahulog sa bangin na may taas na 100 metro.
Nasawi ang siyam na sakay nito, at nasugatan ang 15 iba pa, kasama na ang driver.
Inabot naman ng hanggang gabi ang pagsagip ng mga rescuer sa ilang sakay na naipit sa truck.
Ayon sa Police Regional Office (PRO) 12, lubhang delikado ang naturang bahagi ng daan.
Idinagdag naman ng Lebal Municipal Police Station na matataas ang kalsada sa naturang bulubunduking bahagi ng lugar.
Kaagad namang inilibing ang mga nasawi alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang driver, ang mga nakaligtas, at kaanak ng mga nasawi.—FRJ GMA Integrated News
