Patay sa pamamaril sa mismong tanggapan ng Sangguniang Bayan ngayong Biyernes ng umaga ang bise alkalde ng Ibajay, Aklan. Ang suspek, isang konsehal.

Kinilala ni Aklan Police Provincial Office Police spokesperson Police Captain Aubrey Ayon ang biktima na si Vice Mayor Julio Estolloso. Naaresto naman ang suspek na konsehal na si Mihrel Senatin.

“The victim, who is the Vice Mayor of Ibajay, was pronounced dead by the attending physician. The suspect, an SB Member, is now in the custody of Ibajay Municipal Police Station,” saad ni Ayon.

Sa police report, dakong 9:15 a.m., nang pumasok umano si Senatin sa Sangguniang Bayan Office para humingi ng kopya ng local ordinances na ipinasa sa panahon ng kaniyang termino.

Nilapitan umano ni Senatin si Estolloso at sinabihan na, "Vice, anu ang saea kimu?" (anong nagawa kong mali sa iyo?). Kasunod nito ay bumunot na ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib si Estolloso.

Sinabi ni Ibajay Police chief Police Major Rajiv Salvino sa Super Radyo dzBB na inihayag ng ilang saksi na nasa anim o higit pa ang nadinig nilang putok.

Isang kalibre .9 mm na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay Salvino, inaalam pa nila kung may permit ang baril ni Senatin, na umuwi umano matapos na barilin ang biktima.

“This unfortunate incident is deeply concerning, especially as it involves individuals who serve the public in positions of trust,” ayon kay PRO6 chief Police Brigadier General Josefino Ligan said.

“We recognize the sensitivity of the matter and extend our thoughts to everyone affected, especially the families and communities involved,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News