Isa ang nasawi matapos sumalpok sa multicab ang isang motorsiklo sa Toledo City, Cebu.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, makikita sa video footage na papaliko na ang multicab nang dumating ang motorsiklo na mabilis ang takbo at tumama sa gilid ng multicab.
Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang rider at ang isang nakasabit sa multicab.
Ayon sa pulisya, nasawi ang isang nakasakay sa passenger side ng multicab. Dalawa naman ang sugatan kasama ang rider.
Hinihintay pa ng pulisya ang desisyon ng pamilya ng mga biktima kung magsasampa sila ng reklamo laban sa rider.
Inihahanda na rin ang patong-patong na reklamo na isasampa laban sa rider na wala pang pahayag. – FRJ GMA Integrated News
