Isinampa na ang reklamong murder sa konsehal na namaril sa bise alkalde ng Ibajay, Aklan sa mismong tanggapan ng Sangguniang Bayan.
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing inihayag sa pulisya ng suspek na si konsehal Mihrel Senatin na napuo na umano siya kay Vice Mayor Julio Estolloso.
Ayon sa konsehal, iba ang pakikitungo sa kaniya ng bise alkalde kaya niya nagawa ang pagbaril at pagpatay dito.
Ngunit ayon naman sa isang kasamahan ng suspek sa konseho, wala namang naiiba sa pakikitungo ng biktima sa suspek.
Kinumpirma pa ng mga awtoridad na may lisensya ang baril na ginamit ng suspek na nakarehistro sa kaniya.
Nasa pulisya na rin ang CCTV footage.
Ayon sa mayor ng lugar, ipatutupad na ng LGU simula sa Lunes ang one-entry, one-exit policy sa munisipyo.
Magdaragdag na rin ng pulisya sa Sangguniang Bayan Hall.
Sinubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
