Kahit nilagyan ng sako na may pabigat na bato ang bangkay, lumutang pa rin sa dagat sa Tacloban sa Leyte kaya natagpuan ang bangkay ng isang dating local beauty queen na dinukot ng mga armadong lalaki sa labas ng kanilang bahay sa Ormoc City.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na umaga noong July 31 habang papunta sa grocery nang dukutin si Akini Arradaza ng mga armadong lalaki at sapilitang isinakay sa kotseng itim.
Ayon sa kapatid ni Akini na si Patricia, may mga tao noon nang mangyari ang insidente pero walang nakasaklolo dahil armado ng baril ang mga salarin.
Agosto 4 nang makatanggap ng tawag ang pamilya ni Akina tungkol sa babaeng nakitang palutang-lutang sa dagat sa Tacloban.
Sabi pa ni Patricia, noong una, nag-alangan siya na ang kapatid niya ang nakitang patay dahil sa iba ang nabanggit na edad at diskripsiyon sa nakitang tattoo sa bangkay.
Pero nang banggitin daw sa kanila ng pulisya na may nakitang tattoo na pangalang Carmel sa biktima, doon na nagpasya si Patricia na magtungo sa Tacloban.
Nakumpirma niya na ang nakitang bangkay ang kaniyang dinukot na kapatid na si Akina.
Ayon sa mangingisda na si Elorde na nakakita sa bangkay, walang saplot ang biktima, may tali ang kamay at paa, at leeg, at may tela at plastic ang mukha.
May nakatali rin na sako sa bangkay nito na may bato pero lumutang pa rin ang bangkay kaya may nakakita.
Inihayag ng pulisya na base sa pagsusuri sa bangkay, may isang tama ng bala ng baril sa likod ng ulo ang biktima.
Dahil nagsisimula na itong maagnas, kaagad na ring inilibing ang bangkay ni Akini.
Pero sino kaya ang may gawa ng karumal-dumal na krimen at ano ang motibo? Tunghayan ang buong ulat sa video na ito ng “KMJS.” Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
