Kritikal ang kalagayan ng siyam na taong gulang na Grade 3 pupil, matapos umanong pagtulungang bugbugin ng limang high school students sa Iligan City.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing pauwi na ang biktima mula sa paaralan nang abangan siya ng mga suspek sa daan at ginulpi.
Nakauwi pa ang biktima pero kinalaunan ay nilagnat ito at idinaing na masakit ang ulo.
Dinala ang bata sa isang ospital sa Iligan City pero inilipat kinalaunan sa mas malaking ospital sa Cagayan de Oro City dahil sa komplikasyon.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, nag-ugat ang gulo dahil sa ginawang pag-awat ng biktima sa dalawa pang bata na nag-aaway.
Nakipag-ugnayan na umano sa barangay ang mga estudyanteng nanakit sa biktima.
Iniimbestigahan na rin umano ng pulisya at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang insidente.
Desidido naman ang pamilya ng bata na magsampa ng reklamo laban sa mga suspek. – FRJ GMA Integrated News
