Tatlong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasawi, at tatlong iba pa ang sugatan matapos silang tambangan habang sakay ng dalawang minivan sa Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur nitong Linggo.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing isa sa mga sugatan ang kumander ng 128th MILF Base Command, na pawang dinala sa ospital.

Ayon sa mga awtoridad, lumalabas na mula naman sa 118th Base Command ng MILF ang mga suspek sa ambush na tumakas matapos ang pamamaril.

Nakakuha ang mga imbestigasyon ng mahigit na 100 basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril.

Ayon sa pulisya, papunta ang mga biktima sa Pembalkan, Mamasapano nang tambangan sila sa Proper Linantangan sa Shariff Saydona Mustapha.

Inaalam ng mga awtoridad kung may kinalaman sa clan war o “rido,” ang krimen.

“So inaalam pa natin kung rido ba ito or talagang away lang ng mga grupo,” sabi ni Maguindanao Police Provincial Office Spokesperson, Capt. Guiseppe Tamayo.

Magpapadala rin ang kapulisan ng “written protest” sa pamunuan ng MILF.

“Usually, ang ginagawa ng ating kapulisan, magsu-submit ng written protest sa ating pamunuan ng ating peace-inclined groups, yung ating MILF, para magkaroon ng sanction yung mga ganitong tauhan nila na involved,” ayon kay Tamayo. – FRJ GMA Integrated News