Lima ang nasawi at siyam ang sugatan nang maaksidente at bumangga sa metal fence sa Central Luzon Link Expressway (CLLEX) sa Tarlac City ang isang closed van.

Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Balingcanaway kaninang umaga ng Martes.

“Ayon sa driver, bigla po siyang nawalan ng kontrol sa steering wheel na nag-cause para bumangga siya sa metal fence at nag-crash nga po ‘yung van natin,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Rainier Mercado, Tarlac City police chief.

Mula umano sa Caloocan ang mga biktima at papunta sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.

“This is self-accident po, pero tinitingnan pa rin po namin ‘yung mga naging factors po kaya nangyari po ‘yung aksidente. Kung titingnan mo ang impact, mabilis nasa 80-100 po ‘yung takbo nila,” sabi ni Mercado.

Wala pang pahayag ang pamilya ng mga biktima. –FRJ GMA Integrated News