Binaril at nasugatan ang isang school principal habang sakay ng kotse sa tapat ng eskuwelahan sa Midsayap, Cotabato.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras,” sinabing papasok na sa Agriculture Elementary School ang biktimang si Arlyn Alcebar nang pagbabarilin siya sa loob ng kotse ng mga salarin na sakay sa motorsiklo.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang na dinala sa ospital at stable na umano ang kalagayan.
Sa isang pahayag, mariing kinondena ng Department of Education (DepEd) ang naturang pamamaril sa principal.
“The DepEd Central Office condemns in the strongest possible terms the shooting of the principal of Agriculture Elementary School in Mdisayap, North Cotabato. This is not only an attack on an educator, but an assault on the sanctity of schools as safe zone for learning,” ayon sa DepEd.
Nakikipagtulungan umano ang kagawaran sa Philippine National Police, at Department of the Interior and Local Government, at iba pang awtoridad para maaresto ang mga salarin.
Sa hiwalay ni ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV News, sinabi ni Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12) Spokesperson, Police Major Rissa Hernaez, na tatlong tama ng bala ang tinamo ng 54-anyos na biktima.
“May dalawang unidentified na suspect na riding a motorcycle na overtook sa kanyang vehicle and without provocation, yun nga nagbaril gamit ang caliber .45 pistol,” ayon kay Hernaez.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.
“So far, patuloy pa ang investigation at pina-follow up din natin ang lahat ng operation at intelligence natin para ma-intensify at ma-identify natin at, siyempre, ang pag-arrest sa perpetrators,” anang opisyal.—FRJ GMA Integrated News
