Iniligtas ng mga awtoridad ang nasa 160 bata na minamaltrato at sinasaktan umano ng mga nag-aalaga sa isang care facility sa Mexico, Pampanga.

Pinuntahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang lugar para sagipin ang mga bata na umano’y ikinakadena, ikinukulong at hindi rin pinapakain.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, dinala ang mga bata sa DSWD facility sa Lubao, Pampanga, at isinailalim sa counseling.

Inaresto rin ang nagpapatakbo sa care facility na isang pastor, na itinanggi naman ang mga alegasyon ng pagmamaltrato sa mga bata.

Napag-alaman na rehistrado at awtorisado ng DSWD ang naturang pasilidad para mag-aruga ng mga batang inabandona. Pero agad na kumilos ang DSWD nang makarating sa kaalaman nila ang nangyayaring pagmamaltrato sa mga bata.—FRJ GMA Integrated News