Nagtulungan ang isang pamilya na ilipat sa mataas na parte ng bahay ang kabaong ng kanilang kaanak matapos maabutan ng matinding baha ang lamay sa Mandaue City, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing pinagtulungan ding buhatin ang kanilang lola na natutulog matapos abutan din ng baha ang kaniyang hinihigaan.

Sinabi ng Mandaue City CDRRMO na naapektuhan ang mahigit 600 na pamilya ng baha matapos umapaw ang Butuanon River.

Isa katao naman ang patay sa Barangay Paknaan matapos niyang tangkaing habulin umano ang isang taxi, na inakala niyang may sakay.

Sa kasawiang palad, kasamang natangay ng baha ang biktima.

Naranasan din sa Cebu City ang matinding ulan dulot ng localized thunderstorms. Isang sapa ang umapaw sa isang barangay sa lugar.

Rumagasa rin ang tubig sa Guadalupe River na humantong sa pagkasira ng footbridge.

Sa Barangay Pulangbato, nasira ang isang bahagi ng riprap sa gilid ng sapa dahil sa baha.

Batay sa inisyal na tala ng Cebu City Social Welfare Office, nasa mahigit 130 pamilya ang apektado ng baha sa Cebu City Biyernes ng gabi.

Bukod dito, may mga naitala ring landslides, kung saan isang bahay ang pinasok ng gumuhong lupa. Ligtas naman ang limang residente sa bahay.

May lupa ring humambalang sa kalsada kaya halos apat na oras na-stranded ang ilang motorista. Nakapagsagawa na ng cleaning operations sa lugar. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News