Nauwi sa trahediya ang motorcycle stunt umano ng isang 20-anyos na rider matapos siyang mawalan ng kontrol sa manibela at bumangga sa nakaparadang taxi sa gilid ng kalsada sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyekoles, sinabing residente ng Manolo Fortich sa Bukidnon ang biktima, na unang nanonood sa drag race sa coastal road nitong Martes ng madaling araw.

Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office Traffic Unit Investigator, Senior Master Sergeant Charles Ebueza, sinabi ng kasama ng biktima na hinamon ito magpakitang-gilas kaya naman umarangkada umano at nagsagawa ng stunt.

Sa kasamang palad, may nadaanan na hindi pantay na bahagi ng kalsada ang biktima na dahilan para mawalan ito ng kontrol sa manibela at bumangga sa nakaparadang taxi sa gilid ng Camacawan Bridge.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga at walang suot na helmet, nagtamo ng matinding pinsala ang biktima at hindi na umabot ng buhay nang dalhin sa ospital.

Hindi naman sinampahan ng reklamo ang driver ng taxi pero inaalam ng mga awtoridad ang ibang parusa na maaaring ipataw sa kaniya dahil sa pagparada ng kaniyang sasakyan sa hindi tamang lugar.—FRJ GMA Integrated News