Dead on the spot ang isang 20-anyos na rider matapos na bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang papalikong multipurpose vehicle (MPV) sa Kidapawan City. Ang biktima, sangkot umano sa drag racing kaya mabilis ang arangkada ng motorsiklo.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa dakong 1:00 a.m. noong Linggo sa Sinsuat Street.
Sa CCTV footage, makikita ang MPV na mabagal na tumatawid sa kalsada nang biglang sumulpot ang humaharurot na motorsiklo ng biktima, at bumangga sa tagilirang bahagi ng sasakyan.
Kaagad na nasawi ang biktima, habang sugatan ang driver at pasahero ng MPV na parehong isinugod sa ospital.
“Nag-drag race itong dalawang lalaki. Pag-abot nila doon sa may crossing sa Sinsuat St., may mag-right turn doon na isang sasakyan. Sa kasamaang palad, nakalusot po yung isa, pero yung isang motorcycle drag racer gamit ang kaniyang motorcycle ay nabangga niya na sasakyan,” ayon kay Kidapawan City Police Chief, Lt. Col. Jose Marie Simangan.
Sinabi rin ng pulisya na patuloy ang pag-uusap ang magkabilang panig.
Aminado naman ang mga awtoridad na hindi madali ang paghuli sa mga sangkot sa drag racing.
“Isa sa mga natanggap natin na impormasyon, meron din silang mga spotter. Ibig sabihin, binabantayan lang nila ang mga patrol car na dumadaan diyan sa highway natin or sa main road natin sa Kidapawan. At tina-timing na kapag walang dumaan na mga mobile patrollers natin, yun na, doon na nila isinasagawa ang drag racing,” ayon kay Simangan.-- FRJ GMA Integrated News
