Niyanig ng magnitude 6.0 na lindol ang General Luna, Surigao del Norte nitong Biyernes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Batay sa impormasyon, sinabi ng PHIVOLCS na naganap ang lindol 13 kilometro mula sa bayan ng General Luna ng 7:03 a.m.

Inaasahan ang pinsala at aftershocks kasunod ng lindol, sabi ng ahensiya.

Naunang iniulat ang lindol na nasa magnitude 6.2 bago ito ibinaba ng PHIVOLCS sa magnitude 6.0.

Tectonic ang pinagmulan ng lindol at may depth of focus na 28 kilometro, ayon sa PHIVOLCS.

Sinabi ng PHIVOLCS naramdaman sa iba't ibang lugar ang mga sumusunod na naiulat na intensity:

Intensity V

  • General Luna, Claver, Pilar, Placer, San Benito, San Isidro, at Socorro sa Surigao del Norte
  • Basilisa, Cagdianao, Dinagat, and San Jose in Dinagat Islands

Intensity IV

  • Siyudad ng Butuan
  • Burgos, Del Carmen, San Francisco, Santa Monica, Sison, City of Surigao, at Tagana-an sa Surigao del Norte
  • Libjo at Tubajon sa Dinagat Islands
  • Anahawan, Hinunangan, Hinundayan, Liloan, Limasawa, Pintuyan, Saint Bernard, San Francisco, San Juan, San Ricardo, at Silago sa Southern Leyte
  • Bayabas, Carmen, Hinatuan, Lanuza, at Lingig sa Surigao del Sur
  • Talacogon at Prosperidad sa Agusan del Sur

Intensity III

  • Abuyog, Alangalang, Bato, City of Baybay, Burauen, Dagami, Dulag, Hilongos, Hindang, Inopacan, Javier, Macarthur, Mahaplag, Matalom, Palo, Santa Fe, Tanauan at Tolosa sa Leyte
  • Siyudad ng Tacloban
  • Bontoc, Libagon, Siyudad ng Maasin, Macrohon, Malitbog, Padre Burgos, Sogod at Tomas Oppus sa Southern Leyte
  • Nasipit sa Agusan del Norte
  • Tubod sa Surigao del Norte
  • Cagwait, Marihatag, at Siyudad ng Tandag sa Surigao del Sur

Intensity II

  • Naval sa Biliran
  • Ormoc City
  • Albuera, Babatngon, Calubian, Capoocan, Carigara, Isabel, Jaro, Kananga, Leyte, Matag-Ob, Merida, Palompon, San Isidro, Tabango, Tunga, at Villaba sa Leyte
  • Siyudad ng Malaybalay sa Bukidnon
  • Siyudad ng Cagayan de Oro
  • Laak, Maco, Monkayo, at New Bataan sa Davao de Oro
  • Siyudad ng Tagbilaran sa Bohol
  • Balangiga sa Eastern Samar
  • Mambajao sa Camiguin

Intensity I

  • Siyudad ng Bislig sa Surigao del Sur
  • Garcia Hernandez, Dimiao, Lila, Candijay, at Sevilla sa Bohol

 

Suspendido ang klase at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ilang bahagi ng Surigao kasunod ng lindol.

Samantala, sinabi ng PHIVOLCS na ang Philippine Trench ang nagdulot ng magnitude 6.0 na lindol sa Surigao del Norte.

Ayon sa PHIVOLCS, ang Philippine Trench ay isang oceanic trench, na may mahaba at makitid na mga depresyon sa sahig ng karagatan. Ito rin ang pinakamalalalim na bahagi ng karagatan.

Nauna nang sinabi ni PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol na may kakayahang lumikha ng mga lindol na may lakas na mas mataas sa magnitude 8 ang mga trench.

“Trenches generally are capable of generating great earthquakes. When we say great earthquakes, these are earthquakes greater than [magnitude] 8,” sabi ni Bacolcol.

Tinamaan ang Pilipinas kamakailan ng malalakas na lindol na kung saan namatay ang ilang tao at libu-libo ang nasugatan.

Noong nakaraang linggo, isang magnitude 7.4 at 6.8 na dobleng lindol ang tumama sa baybayin ng Manay, Davao Oriental. Siyam na tao ang namatay sa mga nabanggit na lindol, na nakaapekto sa mahigit isang milyong tao.

Samantala, 79 katao ang namatay sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu mahigit dalawang linggo lamang ang nakalilipas.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News