Isang ultralight aircraft ang bumagsak sa isang palayan sa Concepcion, Tarlac. Ang dalawang tao na sakay nito, patay.
Isang lalaking piloto at isang babaeng pasahero ang mga biktima, kapwa nasa huling bahagi na ng kanilang kabataan. Mga residente sila ng Mabalacat City at Macabebe sa Pampanga.
Batay sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang bumagsak na aircraft sa Barangay Panalicsian, 11 a.m. nitong Sabado, Oktubre 18, at naiulat ng 12:35 p.m.
Nagtamo ng mga malubhang pinsala sa katawan ang mga biktima at isinugod sa ospital sa Concepcion para magamot ng mga rumespondeng tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) ngunit idineklara silang dead on arrival.
Matapos ang insidente, ipinahinto ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang buong operasyon ng air operator nito.
"The Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), upon the instructions of Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, has grounded the entire operations of Woodland Airpark following the crash of an ultralight aircraft in Concepcion, Tarlac on Saturday, October 18, 2025, resulting in two fatalities," sabi nito sa isang pahayag.
Idinagdag ni CAAP Director General Raul Del Rosario na ipinag-utos din ni Lopez ang agarang pagsasagawa ng safety and operations audit para suriin ang airworthiness ng aircraft at ang pagsunod ng operator sa aviation safety standards.
Binanggit nito ang alituntunin ng Philippine Civil Aviation Regulations (PCAR), kung saan nakasaad na ang ultralight aircraft ay nasa ilalim ng kategorya ng Non-Certificated Type Aircraft, at awtorisado bilang panglibangan lamang.
Ang nasabing sasakyang panghimpapawid ay hinihigpitan na paliparin lamang sa loob ng itinalaga sa kanilang Flying Club Aerodrome, limitado sa pinakamataas na taas na 800 talampakan at dapat na istriktong maisagawa sa ilalim ng mga kondisyon ng Visual Flight Rules (VFR).
"The Authority will take appropriate action against any individual or organization found to have violated existing aviation safety laws and operational guidelines," sabi ng CAAP. —VBL GMA Integrated News

